by: RD Aliposa
Ang lamig ng gabing iyon, mas malamig pa ata sa yelong nakababad sa basong may alak. Kahit inaantok na, todo pa rin ang tagay sa likidong ‘di ko akalaing magiging paborito ko sa mga oras na ‘yon. Isang sekreto ang naibahagi na marahil ay isa sa mga pagkakamaling nagawa ko, pero isa sa mga tinik na nais kong bunutin noon pa. Kahit lutang na ang utak dinig ko pa rin ang mga payo, kwento’t reaksyon ng mga kasama na tagos sa dibdib, sa buto, sa lahat! Sa bawat katotohanang ibinato nila, katumbas ay sampal sa pusong tumitibok para sa wala. Mga katotohanang dati ko pa naman alam, na kahit masakit ay pinilit ko lang tiisin. Humahanga lang naman ako, ba’t ko pa tinagay ang ilang baso ng alak? Humahanga lang naman ako, pero bakit ko pa minura sa utak ang aninong ‘di ko man lang nasinagan no’ng gabing iyon? Bakit ko pa pinuproblema ang mga ito kung humahanga lang naman pala ako?
Baka raw kasi umiibig na ako sa taong nakapiring ang puso para sa isang ambisyosang katulad ko. Sabihin nating bukambibig ko siya sa mga kaibigan ko, pinapahalagahan ko ang mga pagkakataong kinakausap niya ako, ang hirap iwasang ‘di ngumiti sa mga banat niya, at higit sa lahat malaking bagay sa ‘kin ang mga simpleng nakakakilig na pagkakataong ako lang ang may alam. Pero paano nila masasabing umiibig ako kung pwede ko pa namang iwasan at pigilan ang kalandiang ito o sa madaling salita kaya ko pang mabuhay na wala siya. Hindi ito pag-ibig, humahanga lang ako’t hanggang doon lang ‘yon.
Napapagod din naman ako, lalo na kung ako lang naman ang may pagtingin. Nakakahingal na rin ang paghahabol sa mga pagkakataong akala ko ay may kahulugan pero wala naman talaga. Dumating na rin naman ang mga sinyales na dapat na akong tumigil. Una, sinuntok ako ng katotohanang ‘di naman talaga pwede ang magkagusto sa taong mahirap abutin. Pangalawa, nanggaling na rin sa bibig niya mismo na puro na lang ako kalandian. Pangatlo, sigurado akong tingin n’ya sa akin ay isang hamak lang na kaibigang nagpapantasya lang sa wala. Pang-apat, mas marami siyang dapat pagkaabalahan para sa kanyang sariling buhay. Pang-lima, ang gusto niya ay wala ako, ang ayaw niya ay ‘yong kung ano ako. Pang-anim, sa pagsibol ng mga sunflower ay sabay naman siyang maglalaho.
Kailangan ko nang itigil itong tinatawag niyang ‘kalandian’ na mas inaatupag ko pa raw kaysa sa mga mas mahalagang bagay. Kailangan ko nang bumitaw sa paghawak sa mga imposibleng panaginip. Kailangan ko nang itigil itong kalokohang minsan nagpangiti sa’kin sa mga panahong nalungkot ako. Buburahin ko na ang damdamin kong ito kasama ang mga malalanding status messages ko tungkol sa kanya. Tama naman talaga siya, mas kailangan kong grumadweyt kaysa unahing magpadala sa daloy nitong aking nararamdaman.
Sana’y ang paghanga o pag-ibig sa isang tao ay parang pansamantalang pagkalasing lang na pagkatapos itulog ang kabangagan ay mawawala rin ang amats pagkabukas. Sana ganoon lang kadali ang lahat. Sa ngayon, sinusubukan kong lunukin ang katotohanan, kahit mahirap ay kailangan ko nang umiwas.
(philippine collegian1011)
No comments:
Post a Comment