by: RD Aliposa
Napapadalas na ang pag-iikot ko sa acad oval, hindi para mamingwit ng gwapo o maglusaw ng taba kundi magbawas ng problema. Sa aking paglalakad, seryoso kong pinag-iisipan at tinitimbang ang mga mabababaw kong problema. Sinusubukan kong hanapan ng paraan kung pa’no ko aayusin ulit ang buhay ko, pa’no ko maibabalik ang dati.
Sa una kong ikot sa acad oval, pinaglimian ko ang kasalukuyan kong estado bilang estudyante. Binilang ko ang mga natitirang araw para sa pagliban, ang sarap kasi mangolekta ng absences lalo na’t lahat ng subjects ay nasubukan ko nang ‘di pasukan. Nawalan na kasi ako ng ganang pumasok at makinig sa mga dinadaldal ng aking masisipag na professors sa GEs. Baka ang utak ko’y napapagod nang tumanggap ng mga bagong kaalaman. Sa thesis class ko naman ay ‘di ko alam kung may direksyon pa akong sinusundan. Malamang sa susunod na buwan ay makakapagsulat na ako sa sikat na asul na form ng unibersidad.
Pangalawang ikot, at sumulpot sa isip ang aking problema sa pamilya. Noong bata pa ako’y pinilit ko pang lagyan ng scotch tape ang family picture namin, ngunit ngayon kahit may photoshop na ay ‘di na talaga pwedeng ma-edit o ma-undo ang lahat. Ang bigat pa sa pakiramdam na ang pagdayo pala ng mga kamag-anak ko’y di para sa pagsalubong ng sunflowers sa aking pagtatapos kundi sa pag-aasam na makuha ang bouquet sa kasal ng aking ama at ng kanyang kinakasama.
Umikot muli, at sa pangatlong beses ay napansin ko mga taong nag-uusap sa Sunken. Buti pa sila may nalalabasan ng tuwa, galit at lungkot. Ngayon kasi ay facebook na lang palagi kaharap ko, o mas malala ay kinakausap ko na ang dingding at ang aking mga stuffed toys, ‘di tulad ng dati na sa pag-uwi ko sa dorm ay wala nang makakapigil sa’king magbulwak ng tsismis sa mga nangyari sa araw ko. Nahihiya kasi akong makipag-usap sa mga roommates kong nakasalpak lagi ang mga earphones at ka-date ang makakapal at madudugong libro sa math at science. Hindi ko na kaklase mga kabarkada ko kaya minsan nagnanakaw na lang din ako ng kaunting pagkakataon na magbahagi lang ng iilang problema at kwento sa kanila.
Pang-apat na ikot ay napatigil ako sa harap ng Vinzons Hall. Nagbago na rin ang daloy ng aking trabaho sa pahayagan. Aaminin kong nakakalungkot talaga ang iwanan ng mga kasamahang nag-imbita sa’king pumasok sa isang bisyong ang hirap iwanan. Alam ko namang mahalaga para sa kanila ang makapagtapos, pero mahalaga rin naman iyon sa’kin. Napagod na ako sa kapipilit sa kanilang bumalik, desisyon nila ‘yon at nirerespeto ko naman ‘yon. Ngunit may mga pagkakataon ding gusto ko nang tumigil sa bisyong ito. Lagi akong lasing sa puyat at naadik na sa pag-aasam na makatapos ng gawain para sa dyaryo na inuuna ko pa kaysa sa iba. Palagi ko ring binubulong sa pader na sana’y makatakas pa ako sa kung anong balak ng mga panginoon. Minsan nagsisisi akong di ako sumabay sa biyahe ng aking mga kasamahan.
Pinagpatuloy ko ang lakad sa oval ng nakakunot-noo’t nakatungo, sabay lumapit si Zorro at sabi, “ Are you okay? Is this about your boyfriend?” Natatawa akong lumayo kay Zorro. ‘Di lahat ng malungkot at problemado’y pag-ibig ang dahilan.
(philippine collegian 1112)


